Ang Nakalimutang Pamana ng San Nicolas Maynila


Iniiwasan ko parati ang DelPan na malapit sa pier. Napaka-notorious ng lugar na yun, kung bagito ka nga malamang pagtitripan ka. Pero di ko aakalain na ang Del Pan ay nabibilang sa isa sa mga pinakamahahalaga nguni’t mukhang nakakalimutan nang maksaysayang distrito ng San Nicolas sa kalagitnaan Maynila.

Katabi nito ang Pasig River sa timog, ang bayan ng mga Tsinoy na Binondo sa silangan, ang pinakamalaking bargain place sa bansa, ang Divisoria sa hilaga at ang mga pinakanotoryus na lugar ng DelPan at Parola sa kanluran. Madaling puntahan kung galing kang Divisoria o Santa Cruz dahil may mga kalesa (na P50 kada byahe) o di kaya ang jeep (P8.50 ang pamasahe) na may karatulang San Nicolas, ang pwedeng sakyan papunta dito…

Isang tip, laging magmukhang simple at laging vigilant. Huwag ka nang magbalak pang lumampas ng Calle Barcelona papuntang Del Pan “kung gusto mo pang mabuhay” sabi ng mamang pulis sa detachment doon.

Sa mga kapanahunan ng ika-19 na siglo, maunlad ang lugar na ito dahil nga napapagitnaan sya ng Chinatown, ng pier at ang malaking pool of human resources. Bagsakan ng komersyo at pagawaan. Dati andito ang mga pagawaan ng pabango, general merchandise at marami pang iba. Dito rin ipinanganak ang mga bayani na magkakapatid na Luna.

Maraming nagsasabi na ang mga lumang bahay na bato na nakalatag sa San Nicolas noon ay nakaligtas sa pagbobomba ng mga Amerikano noong “Liberation” ng Maynila noong 1945. Sira ang Maynila, pero ang San Nicolas nakaligtas.

Sabi ng mga matatanda doon, halos ang buong komunidad ng San Nicolas ay napupuno ng mga bahay na bato na panlaban na sana ng Maynila sa Taal sa Batangas at Vigan ng Ilocos.

Nakapanghihinayang isipin na dahil na rin sa kapabayaan, nakalimutan na ang dating alindog ng old world charm ng Maynila. Unti unting nasira ang mga lumang bahay, ang iba giniba, ang iba nasunog. Iilan na lang ang natitira.

Mga bahay na bato na meron pa ring marka ng nakaraan. Marami sa mga ito ay pinarerenta, ang iba condemned, ang iba ay bodega. Pero kahit papaano, may iilan sa kanila ang nag-preserve o pinangalagaan ang mga lumang bahay na ito dahil na rin napamahal na sila mismo sa lugar.

Marahil notoryus na sa generation ngayon pero ang mga tile na street signs na mismo makapagsasabi na ang lugar na ito ay isang pamana na dapat pangalagaan. Isang natatanging karakter ng Maynila na parang nanganganib nang mawala. Ang San Nicolas na marahil ang isa sa pinakamagandang halimbawa ng urban decay at neglect of patrimony. Kung hindi aaksyunan, maaaring mawala ang mga unique na streetscape na ito.

This post has been viewed 13455 times by 2952 visitors.

  • chris

    maraming ganyan sa mga paco or liblib na parts ng manila… kaso nga lang ang mga taong nakatira dun hindi nla inaalagaan

  • http://earn-money-haikus.blogspot.com scatterhaiku

    it’s good of you to draw attention to a forgotten section of the city, where buildings full of age and character continue to exist, albeit in a much more decrepit state.

    i wonder what the place looked like in its youth.

    such a waste. to think that even just to visit, one has to hesitate. hopefully some of it will continue on.